crowbhabesのブログ

日本の一般的な家庭料理をタガログで分かりやすく紹介します。

LABANOS STEAK

Ang karaniwang Labanos dito sa Japan ay matataba at mahaba. Kaya kapag bumili ka ng buong Labanos ay hindi mo ito maluluto ng isang lutuan sa sobrang laki nito. Meron din namang nabibiling putol na ngunit may kamahalan kung ikukumpara sa buo. Isa pa syempre mas sariwa kung buo ang bibilhin mo.


Isa ito sa mga pangunahing gulay sa panahon ng taglamig. Kinakain din ang dahon nito at kadalasan ay bukod na niluluto.

Kapag may natirang Labanos ay balutin ng food wrap ang parte kung saan ito pinutol saka balutin ng diaryo ang kabuuan nito at ilagay sa ref ng patayo. Kung may dahon naman ang natirang bahagi nito ay putulin ang dahon at bukod na balutin ng diaryo. Tandaan lamang na huwag itatago sa ref ng nakakabit ang dahon dahil madaling malanta ang Labanos. Marahil ay nagtataka kayo kung bakit diaryo ang ipinangbabalot ko. Kapag plastik kasi ang ipinangbalot ay madaling mabulok ang gulay. Hangga't maaari ay sikapin nyong ubusin ang natira sa loob ng 1 linggo lamang.

KATSUO BUSHI (dried fish flakes)
Ang katsuo bushi ay kilala rin sa tawag na "Okaka"
Ito ay gawa sa isdang kamag-anakan ng Tambakol, Tulyasan at Tulingan na binuro at pinausukan. Kakaiba ang lasa nito dahil sa taglay nitong inosinic acid.

Ang karaniwang nabibili nito ay yong naka shaved na katulad ng nasa picture. Ngunit ang tradisyonal na "Katsuo Bushi" ay nabibili ng buo pa at sini shave ito o kinakatam ayon sa dami ng gagamitin sa pamamagitan ng pang katam nito na kung tawagin ay "Katsuo Kezuribushi".
Dalawang klase ang "Katsuo Bushi".

1.) Yong malalaki ang flakes ay ginagamit sa paggawa ng "Dashi" (Japanese soup stock)
2.) Ang isa naman ay yong tinatawag na "Hana Katsuo Bushi". Ito naman ay ginagamit na pang toppings sa mga luto ng putahe.

MEN TSUYU

Para sa mga hindi pa alam kung ano ang "Men Tsuyu", ito ay pinaghalong "Dashi, Toyo, Osake at Mirin". Medyo matamis ang lasa nito. Karaniwan itong ginagamit sa pagluluto ng mga noodles, katulad ng "Soba, Udon, Hiyamugi Soumen" at marami pang iba. Ginagamit din ito sa pagluluto ng mga ulam bilang panimpla at ito din ay karaniwang ginagamit na sawsawan ng "Tempura".

LABANOS STEAK

Mga Sangkap: (3 tao)

1/2 pc Labanos
2 pls. Hana Katsuo Bushi
6 tbsp. Men Tsuyu
3 tbsp. Tubig
1 tbsp. Mantika

Paraan ng Pagluluto:

1.) Hugasan at balatan ang labanos. Putulin ng pabilog, 2 cm ang kapal. Para pumasok sa loob ng labanos ang lasa ay kailangang lagyan ito ng hiwang mababaw lang magkabila. Gayahin ang nasa picture.

2) Ilagay sa microwaveable bowl ang labanos at takpan ng food wrap.

3) Isalang sa microwave oven, 600℃ ang init sa loob ng 3 minutos.

4) Painitin ang mantika sa kawali at ipirito ang labanos, kabilaan.

5.) Matapos ipirito ang labanos magkabila ay ilagay ang men Tsuyu at tubig at pakuluin sa pinakamahinang apoy sa loob ng 10 minutos. Takpan habang pinapakuluan. Kung wala kayong microwave oven ay gawing 15 minutos ang pagpapakulo para siguradong lumambot ang labanos.

6) Kapag natuyu na ang sabaw ay alisin ang takip at lakasan ng bahagya ang apoy para maiga. Budburan ng Katsuo Bushi magkabila.

7) Hanguin sa apoy at ilagay sa plato at ihain.


Note:
Siguradong magugustuhan nyo ito.