crowbhabesのブログ

日本の一般的な家庭料理をタガログで分かりやすく紹介します。

GINISANG BABOY AT REPOLYO SA OYSTER SAUCE

Oyster Sauce:

Alam natin kung ano ang oyster sauce pero dito sa Japan, hindi alphabet ang nakasulat sa mga label ng mga produkto. Halos lahat ay nakasulat sa Japanese characters o kung tawagin ay "Kanji, Hiragana at Katakana". Kaya mahirap mamili ng ikaw lang mag-isa tapos hindi mo alam basahin kung ano ang mga nakasulat sa mga paninda. Tingnan nyo na lang ang label ng nasa picture para madali nyong mahanap sa mga supermarkets.

Mga Sangkap:(3 tao)

150 gms. Karneng Baboy ( manipis na hiwa)
1 tbsp. Toyo
1 tbsp. Sake
1 tbsp. Gawgaw
1/3 pc. Repolyo
1/2 pc. Carrot
2 butil na Bawang
1 tbsp. Oyster Sauce
1 tbsp. Mirin
2 tsps. Mantika

Paraan ng Pagluluto:

1) Hiwain ang baboy sa katamtamang laki at ibabad ito sa "sake" at toyo sa loob ng 5~10 minutos. Matapos ibabad ay lagyan ng gawgaw, haluing mabuti.

2) Durugin ang bawang. Hugasan ang mga gulay at hiwain katulad ng nasa picture.

3) Magpainit ng 1 tsp. mantika sa kawali. Ipirito sa mahinang apoy lamang ang bawang para masipsip ng mantika ang amoy at lasa nito. Isunod ang carrot , igisa ng bahagya lamang.

4) Isama ang repolyo. Igisa ng mabilis at tanggalin sa kawali.

5) Dagdagan ng 1 tsp. mantika ang kawali at igisa sa mahinang apoy ang natirang isang butil na bawang. Isunod ang baboy. Ipirito ito ng medyo tostado, kabilaan.

6) Kapag luto na ang baboy ay bawasan ang mantika sa kawali, saka ihalo ang ginisang repolyo at carrot. Igisa ng bahagya para mahalo. Timplahan ng oyster sauce at mirin.

7) Patayin ang apoy, ilagay sa plato at ihain sa mesa.