crowbhabesのブログ

日本の一般的な家庭料理をタガログで分かりやすく紹介します。

GINISANG PATATAS AT BROCCOLI

Madali lang siyang lutuin, masustansya at masarap. Siguradong magugustuhan ng mga bata. Pwede rin ilagay na ulam sa baon ng inyong mga anak.

Takanotsume (pinatuyong siling labuyo)

Ang "Takanotsume" ay isang uri ng siling labuyo na pinatuyo. Hindi ito maanghang na katulad ng sariwang sili, kaya kahit bata ang kakain nito ay walang problema. Huwag lang kalimutang tanggalin ang mga buto nito. Mabibili ito ng naka pack na. Kadalasan ay buo at may buto pa sa loob ang pangkaraniwang makikita mo sa mga supermarkets, pero meron akong nabili na hiwa na at wala ng buto. Mas madali itong gamitin at saka mura lang naman ang presyo.


Oyster Sauce:

Alam natin kung ano ang oyster sauce pero dito sa Japan, hindi alphabet ang nakasulat sa mga label ng mga produkto. Halos lahat ay nakasulat sa Japanese characters o kung tawagin ay "Kanji, Hiragana at Katakana". Kaya mahirap mamili ng ikaw lang mag-isa tapos hindi mo alam basahin kung ano ang mga nakasulat sa mga paninda. Tingnan nyo na lang ang label ng nasa picture para madali nyong mahanap sa mga supermarkets.



Mga Sangkap:(3 tao)

2 pcs. Patatas
150 gms. Broccoli
6 pcs. Sausages
1 tsp. Siling Labuyo
1 butil na bawang
1 tbsp. Olive Oil
Salt & Pepper

Paraan ng Pagluluto:

1) Hugasan, balatan at hiwain ang mga sangkap katulad ng nasa picture.

2) Ilagay sa microwaveable bowl ang patatas, takpan at isalang sa microwave oven, 600w sa loob ng 3 minutos.

3) Gayun din ang gawin sa broccoli. Isalang sa microwave oven sa loob naman ng 2 minutos lamang.


4) Kung ang gagamitin nyong bawang ay hindi powder ay hiwain ito ng pino.

5) Painitin sa kawali ang olive oil, mahina lang ang apoy at madali itong masunog. Igisa ang siling labuyo at bawang (kung hindi garlic powder ang gamit nyo).

6) Kapag lumabas na ang bango ng sili at bawang ay isama na ang sausage. Igisa hanggang medyo magbrown na ang kulay nito.

7) Isama ang patatas at igisa ng mga 3 minutos. Alalay lang ang apoy para hindi masunog.

8) Isunod ang broccoli . Lakasan ang apoy at igisa hanggang maluto ang patatas. Tusukin ito ng tinidor para malaman kung luto na. Timplahan ng salt & pepper. At kung garlic powder ang gamit ninyo ay dito nyo na sa huli ilagay.

9) Hanguin sa apoy, ilagay sa plato at ihain sa mesa.