crowbhabesのブログ

日本の一般的な家庭料理をタガログで分かりやすく紹介します。

GINISANG PATATAS AT BROCCOLI

Madali lang siyang lutuin, masustansya at masarap. Siguradong magugustuhan ng mga bata. Pwede rin ilagay na ulam sa baon ng inyong mga anak.

Takanotsume (pinatuyong siling labuyo)

Ang "Takanotsume" ay isang uri ng siling labuyo na pinatuyo. Hindi ito maanghang na katulad ng sariwang sili, kaya kahit bata ang kakain nito ay walang problema. Huwag lang kalimutang tanggalin ang mga buto nito. Mabibili ito ng naka pack na. Kadalasan ay buo at may buto pa sa loob ang pangkaraniwang makikita mo sa mga supermarkets, pero meron akong nabili na hiwa na at wala ng buto. Mas madali itong gamitin at saka mura lang naman ang presyo.


Oyster Sauce:

Alam natin kung ano ang oyster sauce pero dito sa Japan, hindi alphabet ang nakasulat sa mga label ng mga produkto. Halos lahat ay nakasulat sa Japanese characters o kung tawagin ay "Kanji, Hiragana at Katakana". Kaya mahirap mamili ng ikaw lang mag-isa tapos hindi mo alam basahin kung ano ang mga nakasulat sa mga paninda. Tingnan nyo na lang ang label ng nasa picture para madali nyong mahanap sa mga supermarkets.



Mga Sangkap:(3 tao)

2 pcs. Patatas
150 gms. Broccoli
6 pcs. Sausages
1 tsp. Siling Labuyo
1 butil na bawang
1 tbsp. Olive Oil
Salt & Pepper

Paraan ng Pagluluto:

1) Hugasan, balatan at hiwain ang mga sangkap katulad ng nasa picture.

2) Ilagay sa microwaveable bowl ang patatas, takpan at isalang sa microwave oven, 600w sa loob ng 3 minutos.

3) Gayun din ang gawin sa broccoli. Isalang sa microwave oven sa loob naman ng 2 minutos lamang.


4) Kung ang gagamitin nyong bawang ay hindi powder ay hiwain ito ng pino.

5) Painitin sa kawali ang olive oil, mahina lang ang apoy at madali itong masunog. Igisa ang siling labuyo at bawang (kung hindi garlic powder ang gamit nyo).

6) Kapag lumabas na ang bango ng sili at bawang ay isama na ang sausage. Igisa hanggang medyo magbrown na ang kulay nito.

7) Isama ang patatas at igisa ng mga 3 minutos. Alalay lang ang apoy para hindi masunog.

8) Isunod ang broccoli . Lakasan ang apoy at igisa hanggang maluto ang patatas. Tusukin ito ng tinidor para malaman kung luto na. Timplahan ng salt & pepper. At kung garlic powder ang gamit ninyo ay dito nyo na sa huli ilagay.

9) Hanguin sa apoy, ilagay sa plato at ihain sa mesa.

GINISANG BABOY AT REPOLYO SA OYSTER SAUCE

Oyster Sauce:

Alam natin kung ano ang oyster sauce pero dito sa Japan, hindi alphabet ang nakasulat sa mga label ng mga produkto. Halos lahat ay nakasulat sa Japanese characters o kung tawagin ay "Kanji, Hiragana at Katakana". Kaya mahirap mamili ng ikaw lang mag-isa tapos hindi mo alam basahin kung ano ang mga nakasulat sa mga paninda. Tingnan nyo na lang ang label ng nasa picture para madali nyong mahanap sa mga supermarkets.

Mga Sangkap:(3 tao)

150 gms. Karneng Baboy ( manipis na hiwa)
1 tbsp. Toyo
1 tbsp. Sake
1 tbsp. Gawgaw
1/3 pc. Repolyo
1/2 pc. Carrot
2 butil na Bawang
1 tbsp. Oyster Sauce
1 tbsp. Mirin
2 tsps. Mantika

Paraan ng Pagluluto:

1) Hiwain ang baboy sa katamtamang laki at ibabad ito sa "sake" at toyo sa loob ng 5~10 minutos. Matapos ibabad ay lagyan ng gawgaw, haluing mabuti.

2) Durugin ang bawang. Hugasan ang mga gulay at hiwain katulad ng nasa picture.

3) Magpainit ng 1 tsp. mantika sa kawali. Ipirito sa mahinang apoy lamang ang bawang para masipsip ng mantika ang amoy at lasa nito. Isunod ang carrot , igisa ng bahagya lamang.

4) Isama ang repolyo. Igisa ng mabilis at tanggalin sa kawali.

5) Dagdagan ng 1 tsp. mantika ang kawali at igisa sa mahinang apoy ang natirang isang butil na bawang. Isunod ang baboy. Ipirito ito ng medyo tostado, kabilaan.

6) Kapag luto na ang baboy ay bawasan ang mantika sa kawali, saka ihalo ang ginisang repolyo at carrot. Igisa ng bahagya para mahalo. Timplahan ng oyster sauce at mirin.

7) Patayin ang apoy, ilagay sa plato at ihain sa mesa.





PINAKULUANG KOMATSUNA AT ABURAAGE

Komatsuna:

Brassica rapa pervirides ang scientific name nito. Kilala rin ito sa tawag na "Fuyuna" na ang ibig sabihin ay gulay sa panahon ng taglamig. Ang tawag nito sa English ay "Japanese Mustard Spinach. Isa ito sa mga gulay sa panahon ng taglamig, ngunit sa ngayon ay mabibili na ito sa mga supermarkets sa buong taon.

Bukod sa masarap ang gulay na ito ay maganda rin ito sa katawan dahil sa taglay nitong mga sustansya. Mataas ang porsyento ng Vitamin A at Beta Carotene nito. Nagtataglay din ito ng Vitamin B1, B2, B3, B5, B6, C, E, K at Folic Acid. Marami din itong taglay na Mineral katulad ng Phosphorus, Iron, Zinc, Manganese at Selenium. Bukod pa rito ay may Fiber at Protein din ito.

Aburaage:

Ang "Aburaage" ay manipis na hiwa ng tokwa na pinirito 2 o 3 beses ng nakalubog sa mantika. Mabibili ito sa mga supermarkets ng naka pakete na. Ginagamit itong sahog sa mga iba't ibang putahe maging sa mga noodles.

Mga Sangkap:(3 tao)

1 bungkus na Komatsuna
1 pk. Aburaage
4 tbsp. Men Tsuyu
3 tbsp. Tubig
1 tbsp. Asukal

Paraan ng Pagluluto:

1) Hugasan ang Komatsuna.

2) Hiwain ang mga sangkap tulad ng nasa picture.

3)Pagsamahin ang tubig, men tsuyu at asukal. Pakuluin .

4) Isama ang Komatsuna at Aburaage. Pakuluin ng mga 5 minutos o hanggang sa maluto ito sa katamtamang apoy lamang at bantayan para hindi masunog.

5) Hanguin sa apoy, ilagay sa mangkok at ihain.


Tips:

Ang putaheng ito ay isa sa mga side dishes lamang kaya kailangan ay may Kasama itong main dish, katulad halimbawa ng inihaw na isda o di kaya ay "Niku Dyaga". Meron din tayong recipe ng "Niku Dyaga" kung gusto nyong malaman ang pagluluto nito ay i search nyo na lang, nandito rin sa Blog na ito.

TORTANG ITLOG AT TUNA

Gagamit tayo dito ng delatang Tuna na kung tawagin dito sa Japan ay "Sea Chicken", sa dahilang ang lasa nito ay hawig sa lasa ng pitso ng manok. Kadalasan ay inuulam ito sa almusal at nilalagay sa baon. Ito ay mabibili sa mga supermarkets maging sa mga drugstores.

Mga Sangkap:(3 tao)

3 pcs. Itlog
1 pc. Delatang Tuna
Salt & Pepper
1/2 tbsp. Mantika

Paraan ng Pagluluto:

1) Batihin ang itlog.

2) Alisin ang sabaw ng tuna.

3) Ihalo sa binating itlog ang tuna at timplahan ng salt & pepper.

4) Painitin ang mantika sa kawali. Ibuhos dito ang binating itlog at Tuna.

5) Haluin ng paikot sa pamamagitan ng tinidor o di kaya ay chopstick.

6) Kapag nabuo na ang itlog ay baliktarin. Hayaan hanggang maluto.

7) Hanguin sa apoy at hiwain saka ihain sa mesa.


Note:
Pwede itong isawsaw sa ketchup.

GRILLED CHICKEN

Sa microwave oven natin ito lulutuin. Para sa mga walang microwave oven, pwede nyo itong lutuin sa kawali. Sundin nyo na lang yong paraan kung papaano itong lutuin sa kawali.
Gagamit tayo dito ng "Balsamico vinegar ", kung wala kayo nito o di kaya ay wala kayong time bumili pa nito pwede nyo itong palitan ng Apple Cider.

Balsamico Vinegar:

Ito ay isang uri ng suka na gawa sa katas ng ubas. Kadalasan ay ginagamit ito sa pagluluto ng mga karne. Ang sukang ito ay nagmula sa bansang Italya na sa ngayon ay isa na sa mga paboritong panimpla dito sa Japan. Mabibili ito sa mga supermarkets at maging sa internet kung saan ay marami kayong mapagpipilian.

Mga Sangkap:(2 tao)

2 pcs. Hita ng manok (boneless)
1 pc. Patatas
1/4 pc. Kalabasa
1 pc. Eringi mushroom (optional)
10 pcs. Snow Peas
5 pcs. Maliliit na Kamatis
1 pc. Sibuyas
Salt & Pepper

Panimpla: (Marinade)

1/2 tbsp. Grain Mustard
2 tbsp. Soy Sauce
2 tbsp. Olive Oil
2 tbsp. Balsamico Vinegar
1 tbsp. Honey
2 Butil ng Bawang ( hiwain ng pino)

Paraan ng Pagluluto:

1) Pagsama-samahin sa isang bowl ang mga panimpla, kasama ang bawang. Haluing mabuti. Kung sa microwave oven nyo lulutuin ay ito ang gagamiting marinade.

TANDAAN:
a) kung sa kawali ito lulutuin ay huwag nyong Ibababad sa marinade.

b) Kung sa microwave oven naman lulutuin ay kailangang ibabad sa marinade ng 30 minutos.

2) Tusukin ng tinidor ang balat na parte ng manok at timplahan ng salt & pepper.

3) Hugasan at hiwain ang mga gulay katulad ng nasa picture.

4) Pagsamahin lahat ng sangkap, gulay at manok sa isang bowl. Ibuhos dito ang Marinade. Haluing mabuti at takpan ng food wrap para dumikit ang lasa. Gayahin ang paraan ng pagtakip (picture)

5) Painitin ang oven ng 230℃.

6) Matapos imarinate ang mga sangkap ay ilagay ang manok ng nasa ibabaw ang balat nito sa gitna ng malinis na oven tray ( kung walang tray ay pwede rin ang microwaveable plate o di kaya ay Pyrex tray). Ilatag sa paligid ng manok ang mga gulay. Isama din dito ang Marinade.

7) Kapag husto na ang init ng oven ay isalang na dito ang tray sa loob ng 18 minutos.

Paraan ng Pagluluto sa Kawali:

1) Painitin ang olive oil sa kawali. Ipirito ang manok magkabila.

2) Kapag luto na ay ibuhos dito ang kalahating pinagsama-samang panimpla. Haluing mabuti bago ibuhos.

3) Hugasan ang kawali at igisa sa olive oil ang patatas at kalabasa. Alalay lang ang apoy para hindi masunog. Kapag malambot na ang mga ito ay ihalo ang iba pang gulay at igisa ng kaunti saka ilagay ang natirang kalahating panimpla. Haluing mabuti saka hanguin sa apoy.

4) Hiwain ang manok (bite size). Ilagay sa gitna ng plato at ilagay sa paligid nito ang mga gulay.

MENTAIKO TAMAGO YAKI

Ang ibig sabihjn ng "TAMAGO" ay itlog at ang "YAKI" ay pirito o torta. Ang karaniwang timpla ng "Tamago Yaki" ay Dashi, Osake, Toyo at Mirin o di kaya ay asukal. Kaya ang ginagamit ko dito ay "Men Tsuyu" dahil kumpleto na ang timpla. Ito ay kadalasang inuulam sa almusal at binabaon.

Men Tsuyu

Para sa mga hindi pa alam kung ano ang "Men Tsuyu", ito ay pinaghalong "Dashi, Toyo, Osake at Mirin". Medyo matamis ang lasa nito. Karaniwan itong ginagamit sa pagluluto ng mga noodles, katulad ng "Soba, Udon, Hiyamugi Soumen" at marami pang iba. Ginagamit din ito sa pagluluto ng mga ulam bilang panimpla at ito din ay karaniwang ginagamit na sawsawan ng "Tempura".

MENTAIKO

Ang "Mentaiko ay itlog ng isdang bakalaw na binuro sa asin saka binabad sa iba't-ibang seasonings at spices. Medyo maanghang ang lasa nito. Kilala rin ito sa tawag na "Karashi Mentaiko.

Gagamit tayo ng rectangle na kawali para madaling irolyo ang itlog. Pero kung wala kayong ganitong kawali ay pwede rin yong bilog.

Mga Sangkap: (2 tao)

3 pcs. Itlog
25 gms. Mentaiko
1/2 tbsp. Men Tsuyu
1/2 tbsp. Mantika

Paraan ng Pagluluto:

1) Batihin ang itlog at timplahan ng men tsuyu.

2) Painitin ang kawali at lagyan ng kaunting mantika. Maglagay ng kaunting binating itlog at ilagay sa bandang dulo ang mentaiko. Gayahin ang nasa picture.

3) Irolyo ang itlog.

4) Kung ubos na ang mantika ay dagdagan ng kaunti at lagyan ulit ng kaunting binating itlog.

5) Ulitin ang paraang ito hanggang maubos ang itlog.

6) Hanguin sa apoy, putulin, ilagay sa plato at ihain.

GINISANG BROCCOLI at MUSHROOMS

Gagamit tayo dito ng "Mentaiko". Sa mga lugar na walang Mentaiko ay pwede itong palitan ng anchovy o di kaya ay bagoong na isda.

MENTAIKO

Ang "Mentaiko ay itlog ng isdang bakalaw na binuro sa asin saka binabad sa iba't-ibang seasonings at spices. Medyo maanghang ang lasa nito. Kilala rin ito sa tawag na "Karashi Mentaiko.

Men Tsuyu

Para sa mga hindi pa alam kung ano ang "Men Tsuyu", ito ay pinaghalong "Dashi, Toyo, Osake at Mirin". Medyo matamis ang lasa nito. Karaniwan itong ginagamit sa pagluluto ng mga noodles, katulad ng "Soba, Udon, Hiyamugi Soumen" at marami pang iba. Ginagamit din ito sa pagluluto ng mga ulam bilang panimpla at ito din ay karaniwang ginagamit na sawsawan ng "Tempura".

Mga Sangkap:(3 tao)

170 gms. Broccoli
1 pk. Mushrooms
50 gms. Mentaiko
3 tbsp. Men Tsuyu
10 gms. Butter

Paraan ng Pagluluto:

1) Hugasan ang broccoli at hiwain (bite size).Ilagay sa microwaveable bowl at takpan ng food wrap.

2) Isalang sa microwave oven, 600℃ ang init sa loob ng 3 minutos.

3) Hugasan at himayin ang mushrooms.

4) Painitin ang kawali, tunawin ang butter at igisa dito ang mushrooms. Isunod ang broccoli.

5) Timplahan ng Men Tsuyu, haluing mabuti.

6) Ilagay ang Mentaiko haluin ng mabilis ( 1 minuto).

7) Hanguin sa apoy. Ilagay sa plato at ihain sa mesa.